PAGBABAGO SA KALSADA: HAMON SA KABUHAYAN NG MGA TSUPER
ni: Vilmalyn L.Basilan
Nagpanukala ng jeepney phaseout ang Department of Transportation (DOTr) sa ilalim ng kanilang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) bilang bahagi ng modernisasyon ng publikong transportasyon na layuning gawing mas ligtas at makabago ang mga sasakyan. Gayunpaman, ang mataas na gastos ng mga bagong jeepney ay nagdudulot ng malalim na pag-aalala sa mga tsuper at operator, na marami sa kanila ang hindi kayang tustusan ang kinakailangang modernisasyon.Subalit, sa kabilang banda, ang mga tsuper at operator, tulad ng grupong MANIBELA, (Federation of Drivers, Commuters, and United Transportation Terminals) ay nagsagawa ng mga kilos-protesta upang tutulan ang phaseout ng mga tradisyonal na jeepney. Para sa kanila, hindi sapat ang suportang ibinibigay ng gobyerno upang tulungan silang makasabay sa mga bagong alituntunin at gastos ng modernisasyon.
Ang mataas na halaga ng mga bagong jeepney at kakulangan sa subsidiya ay nagiging sanhi ng takot sa pagkawala ng kabuhayan para sa maraming tsuper kung kaya ang mga maliliit na operator at mga tsuper ay nahaharap sa malaking pagsubok upang makuha ang mga kinakailangang pondo, na nagdudulot ng pangamba sa kanilang kinabukasan. Bukod pa rito, may malalim na koneksyon ang jeepney sa ating kultura at pagkakakilanlan, at ang phaseout nito ay tila isang pagsubok sa ating pambansang identidad.
Bagama’t mahalaga ang modernisasyon para sa mas maayos na transportasyon, kinakailangan pa ring magbigay ng sapat na suporta ang gobyerno sa mga tsuper upang hindi sila maiiwan. Dapat tiyakin na ang proseso ng pagbabago ay makatao at makatarungan, na nagbibigay-daan sa mga tsuper na patuloy na magkaroon ng kabuhayan habang isinasagawa ang modernisasyon. Ang ganitong hakbang ay magpapakita ng tunay na malasakit sa kabuhayan ng mamamayan at sa ating kultura.
Comments
Post a Comment